CLEEP tuloy-tuloy na ipinatutupad ng DILG sa Quezon

Tuloy-tuloy na ipinatutupad ng Department of Interior and Local Government (DILG), Quezon Provincial Office ang Comprehensive Livelihood and Emergency Employment Program (CLEEP) sa pamamagitan ng proyektong "Dagdag Puhunan para sa Kabuhayan ng Pamilya".

Ayon kay G. Melchor Doce, CLEEP Provincial Focal Person ng DILG-Quezon, umabot sa P3,150,000.00 ang pondong naipagkaloob ng kanilang tanggapan sa may 63 barangay ng limang bayan sa lalawigan ng Quezon kagaya ng General Nakar, Jomalig, Macalelon, Panukulan at Patnanungan, Quezon. Ayon pa kay Doce may 1,260 na pamilya ang nakikinabang na sa mga iba't-ibang uri ng proyektong pangkabuhayan. Ang bawa't pamilyang benipisyaryo ay tumanggap ng tig P2,500.00 na dagdag puhunan sa kanilang sa mga proyektong pangkabuhayan.

Kabilang sa mga proyekto ay ang backyard poultry, swine raising/ dispersal, fish net distribution at corn production sa General Nakar, Quezon; Lapu-Lapu Culture, swine raising/ dispersal, Bagoong Cubes Making, Seaweeds Production/ Culture at Mud Crab (Katang Culture) sa Jomalig, Quezon; Goat Dispersal Project, Fish Net Distribution, Additional Capital for Palay Production and Sari-sari Store at Swine Production sa Macalelon, Quezon.

Ang iba pang proyekto ay ang Backyard Swine Production, Seaweeds Production Assistance, Gill Net Assistance Project, Backyard Poultry Raising at Small Scale Vending/ Sari-Sari Store sa bayan ng Panukulan; Lapu-Lapu Culture, Seaweeds Production /Culture, Bagoong Cubes Making; Swine Raising /Dispersal at Mud Crab (Katang Culture) sa Patnanungan, Quezon.

Katuwang ng DILG-Quezon sa pagpapatupad ng proyektong ito ang naturang limang bayan. Ang proyektong ito ay alinsunod din sa Memorandum Circular No. 168 ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong nakaraang taon (2008) na naglalayong malabanan ang kahirapan o Global Economic Crisis sa pamamagitan ng pagpapatupad ng CLEEP ng iba't-ibang ahensiya ng pamahalaan. Ang mga lokal na tanggapan ng DSWD ang siyang nag-identify ng mga benipisyaryo ng proyekto kung saan ang mga benipisyaryo ay kabilang pinakamahihirap na pamilya. (PIA-4A)